Friday, October 19, 2007

Winning Entry- "My (Funny) Love Affair Story Writing Contest 2007 by Angel's Wink Events & Planners

May 19, 1999, akala ko ay isang karaniwang gabi lamang, di ko alam na yun pala ang simula ng aking habambuhay. Sinubukan kong tawagan sa telepono si Ian, ang taong matagal nang gustong ipakilala ng aking high school classmate. OK naman ang una naming pagkukwentuhan at nasundan pa iyon ng ilan pang mga tawag. Konting bolahan---binola ko sya, at nagpabola naman sya; binola nya ako at nagpabola naman ako. Madalas sa aming mga kwentuhan marami kaming nadi-discover na pagkakapareho, tulad na lang ng aming pangalan---Kristian at Khristian Grace. “Tamo nga naman, it must be fate”, yun ang lagi kong hirit sa kanya na alam ko namang kinikilig sya. Naging madalas ang pag-uusap namin sa telepono, kwentuhan, bolahan, etc.

Sa madalas kong pagtawag sa kanya, laging sinasabi ni Ian na maganda sya. Pasukan na sa school nila at hindi pa pasukan sa amin, naisip ko na makipagkita sa kanya upang malaman nga kung nagsasabi sya ng totoo o isa lang syang panget na nagmamaganda. June 11, usapan naming magkita sa fastfood chain malapit sa school nila. Naka T-shirt lang ako, maong at tsinelas nung pumunta ako, sayang kasi porma kung panget pala. Oras ng pagkikita namin, wala pa sya kaya nagpage ako sa kanya. Pager pa uso noon, hindi cellphone. Naisip kong umuwi na noon pero may tinig na nagsabi sa puso ko na maghintay pa nang ilang saglit. Maya-maya, dumating ang high school classmate ko at sinundo ako. Isinama nya ako sa kinaroroonan ni Ian at ng ilan pa nilang mga kaklase. Totoo pala ang kanyang mga sinasabi sa telepono, maganda nga sya, ubod ng ganda! Kinagabihan, tinawagan ko uli si Ian sa telepono, alam nyang nacute-an ako sa kanya. Mabuti na lang at hindi ako umalis kaagad, sulit ang aking paghihintay!

Napadalas na ang pagtawag ko kay Ian, naging gabi-gabi. Isang linggo mula una naming pagkikita, sinundo ko sya sa school at nag-date kami. Isang linggo pa matapos yun, inihatid ko na sya sa bahay nila at ipinakilala nya ako sa kanyang pamilya. Kinalingguhan magkasama kami nagsimba. Naging ganun ang routine namin. Sundo pag Friday, simba pag Sunday.

July 11, 1999, saktong isang buwan mula nang unang beses kong masilayan ang kagandahan ni Ian, naisip kong sabihin na sa kanya ang aking damdamin. Pagkatapos ng misa sa Sto. Domingo, tumigil ako at tinanong sya, “May naririnig ka ba?” Tumingin sya sa paligid at sinabi nyang wala. Lumapit akong bahagya at ibinulong sa kanyang tenga, “I love you...”. Isang matamis na ngiti ang isinukli nya sa akin, alam kong kinilig sya noon.

Napadalas ang aming tawagan at pagkikita. Lalo ding dumalas ang bolahan syempre! October 8, 1999, habang naglalakad kami sa loob ng SM North Edsa, bigla nyang sinabi, “I love you”. Tuloy lang ako sa paglakad nun, medyo sanay na rin kasi ako noon na sinasabi nya sa akin “Miss you”, akala ko yun ang sinabi nya. Then napatigil ako. “Hindi ‘miss you’ yun ah!,” naisip ko. Hindi nga, “I love you” pala talaga ang sinabi nya! Di man ako nagtatalon, masayang masaya ako nang mga sandaling yun at nang nahimasmasan na nga ako, sinigurado ko. “Ang ibig sabihin ba nun tayo na?”, tanong ko sa kanya. Malay ko ba kung I love you as a friend yun o kung mahal na rin nya ako pero hindi pa rin pala kami. Kinonfirm nya na kami na nga, e di formally magsyota na nga kami at wala nang bawian!

November 8, eksaktong isang buwan mula October 8, nagcelebrate kami ng 1st monthsary. Matapos ang isang buwan, December 8, 2nd monthsary naman. Eksaktong isang buwan mula noon, 3rd monthsary ang aming ipinagdiwang... Every month nagcecelebrate kami ng "monthsary". At every year naman, anniversary ang celebration, syempre. Laging masaya ang mga monthsaries and anniversaries namin. Iba’t iba din ang mga gimiks na ginagawa namin ni Ian upang lalong mapasaya ang isa’t isa: naglatag ako ng mga dyaryo sa UP Sunken Garden na ang sabi “IAN, MAHAL NA MAHAL KITA”; kinantahan ko sya ng “Ngayon at Kailanman” sa harap ng maraming tao; hinarana ko si Ian ng “Minsan lang Kitang Iibigin”; pinadalhan nya ako ng basket of roses sa bahay namin; nagdate sa Wow Philippines sa Intramuros; kumain sa Aresi; nagpaint ng figurine; nanood ng sine; nag-videoke; nag-dinner sa hotel; nagsuot ako ng costume ng prinsipe at nag-alay ng tula para kay Ian; at kung anu-ano pang mga gimiks na kadalasan ay sa pelikula lang nangyayari.

Ang pinakabongga sa lahat ay ang aming 7th anniversary. Nagsimula ang aming araw sa aking pagsundo sa kay Ian. Ibinigay nya ang regalo nya sa akin at nagbohalan kami ng konti. Pagkatapos ay pumunta kami sa Christ the King upang magsimba. Pagkatapos ng misa, nagdasal si Ian at habang nagdadasal sya, ibinigay ko ang videocam na dala namin sa isang officemate ko na pinakiusapan ko na magsimba kasabay namin upang maging taga-video. Pagkatapos nyang magdasal, pinatayo ko sya sa may gitna ng simbahan habang ako ay nakatayo din. “Khristian Grace Cambia, mahal na mahal kita.. ilang buwan mula ngayon nais kitang pakasalan sa simbahang ito.. gusto mo bang maging Khristian Grace Cambia-Liwanag?” At ako ay lumuhod upang ialay sa kanya ang engagement ring. Nakatingin lang sya sa akin at nakangiti, malamang ay hindi alam ang gagawin sa sobrang kilig. Hindi ako tumayo hanggang hindi nya ako sinasagot. At pagkatapos ng 49 years, este mga isang minuto lang, tumango sya. Tumayo na rin ako, at nagyakap kami! Kapwa kami nanginginig nang mga oras na iyon dahil pareho kaming excited sa aming nalalapit na kasal!

Pagkagaling sa Christ the King, nagpunta kami sa Greenbelt upang manood ng stage play. At pagkatapos nun ay nagtungo naman kami sa Megamall upang mag-dinner. Hindi alam ni Ian na sa Dad’s ay naghihintay na ang aming mga pamilya, nakahanda na ang pagsalubong nila sa aming engagement. Naging masaya at masagana ang aming piging at bago kami umalis ay ibinigay ko sa kanya ang isang malaking bouquet of roses. Iyon ang aming engagement party.

Sa February 9, 2008, isang araw mula sa aming 100th monthsary, manunumpa kami ni Ian sa harap ng Diyos at sa harap ng tao na mamahalin ang isa’t isa hangang sa dulo ng walang hanggan. Lubhang mahal na mahal namin ang isa’t isa.


Siya nga pala, baka nagtataka kayo sa title ng love story namin. "Funk Phenomena" kasi ang very first theme song namin ni Ian, heheheehhe.


I am Kristian Liwanag and my fiancée is Khristian Grace Cambia. Yes, I am Kris and she is Ian. We will be getting married on February 9, 2008 at Christ the King Parish.

No comments: